Labels

Kabanata 63

Kabanata 63 (Ang Nochebuena)

Isang dampa na yari sa mga sanga ng kahoy ang nakatayo sa libis ng isang bundok. Sa dampang ito namamahay ang isang mag-anak na nabubuhay sa pangangaso at pangangahoy.

Isang matandang lalaki ang nakaupo sa lilim ng isang puno at gumagawa ng walis. Sa isang tabi naman ay isang dalagang nag-aayos ng mga gulay, dayap at itlog ng manok sa isang bilao. Sa kabilang daka ay isang batang lalaki at isang batang babae ang naglalaro sa harao ng isang batang patpatin, malungkot at may malamlam na mata. Ang batang ito ay si Basilio, na anak ni Sisa at kapatid ni Crispin.

Ipinatinda ng matanda ang mga walis sa dalaga upang mau maibili ng mga kakailanganin ng mga kapatid sa nalalapit sa pasko at pagkatapos ay tinanong ni Basilio.

“Ano ang ibig mo?”

“Inkong, mahigit na po bang isang buwan na ako’y maysakit?”

“Magdadalawang buwan na mula nang matagpuan ka naming walang malay. Akala namin ay hindi ka na mabubuhay.”

“Diyos na po sana ang bahalang gumanti sa inyong mga kabutihan. Kami po ay maralita lamang at ang ibig ko po sanang maging pamasko ay makita ko ang aking ina at kapatid na marahil naghihinagpis sa paghahanap sa akin.”

“Ngunit malayo ang inyong bayan, at hindi ka pa lubusang magaling. Gagabihin ka bago mo marating iyon.”

“Hindi ko po iindahin ang pagod. Ang nais ko po ay makasalo ang aking mga magulang at kapatid. Isang isda po ang pinagsaluhan namin noong nakaraang Pasko. Ngayon po siguro’y umiiyak na ang aking ina sa paghahanap.”

“Anak, baka hindi ka na makarating sa bayan nang buhay. Manok at pindang na baboy-ramo ang hahapunan natin ngayon. Darating mula sa bukid ang aking anak at ikaw ay hahanapin.”

“Kayo po’y maraming anak, at ang sa aking ina’y dadalawa pom lamang. Baka po iniisip ng aking ina na ako’y patay na, kaya’t ibig ko po siyang handugan ng pamasko ngayon...ng isang anak.”

Napaluha ang matanda sa sinabi ni Basilio.

“Sige, anak, lumakad ka at bigyan mo ang aginaldo ang iyong ina. Patnubayan ka nawa ng Diyos.”

Napangiti si Basilio at kinuha ang kanyang tungkod.

“Isasama ko po ang aking kapatid sa aking pagbabalik.”

Mabilis na lumakad si Basilio bagamat may benda pa ang kanyang mga paa.

Malamig ang hanging pumapagaspas sa bayan ng San Diego. Ang mga mamamayan ay nangangaligkig sa ginaw. Walang maririnig na kalansing ng mga kubyertos sa mga bahay, nangaakpinid ang mga bintana at walang mga parol na di-tulad noong mga nakararaang taon. Ngayong gabi ay malungkot, kahit na nochebuena.

Sa tahanan ni Kapitan Basilio ay kausap niya si Don Filipo at sa katabing bintana ay nangakadungaw na nag-uusap sina Sinang, Victoria at Iday.

“Mapalad kaya sapagkat napawalang sala ang mga sumbong laban sa inyo. Nasunog nga nila ang inyong bahay, ngunit higit na malaki ang napinsala sa iba.”

Si Sisa ay lumapit sa rehas na bakod at nagniningning ang matang tumingin sa bahay at saka lumayo.

"Magaling na po ba siya? Akala ko po’y nasa bahay siya ng isang mediko?” ang tanong ni Don Filipo.

“Natakot po ang mediko na baka siya ay isumbong na kaibigan ni G. Ibarra kaya’t kanya pong pinaalis ang baliw. Ngayon ay lalabuy-laboy po siya sa kalye. Mabuti’t hindi naman nananakit, at siya’y sa gubat naninirahan. Nang mga oras na iyon ay pumailanlang ang malungkot na awit ng baliw.

“Kailan ikakasal si Maria Clara?” ang tanong ni Iday kay Sinang.

“Hindi ko binasa ang liham ni Maria Clara, sapagkat ayaw kong malaman. Ako’y naaawa kay Crisostomo Ibarra.”

“May balitang bibitayin si Kapitan Tiyago, ngunit iniligtas siya ni Linares. Makaurong pa kaya si Maria Clara?” ang wika ni Victoria.

— Ο —

Si Basilio ay iika-ikang nakarating sa bayan ng San Diego. Mabilis niyang tinungo ang kanilang dampa ngunit wala siyang inabutang tao. Nalaman niyang nabaliw ang kanyang ina at pagala-gala na lamang sa mga lansangan. Walan siyang nabalitaan ukol kay Crispin. Bagamat nanghihina pa siya ay bumalik sa bayan upang hanapin ang ina.

Mula sa bintana ng tahanan nina Kapitan Basilio ay nakita ang isang batang tumatakbo nang papilay-pilay na tinutunton ang pinagmulan ng tinig ng baliw. Nang mga oras na iyon, si Sisa ay nasa tapat ng bahay ng bagong alperes. Isang batang babae ang nakadungaw at inutusan ang isang bantay na paakyatin si Sisa. Si Sisa ay biglang nahintakutan nang lapitan siya ng bantay kaya’t tumakbo nang mabilis na papalayo at takot na takot. Si Basilio, sa takot na mawalay sa ina ay tumakbo ring sumusunod.

“Masdan ninyo at sinusundan ng bata ang baliw,” ang wika ng isang alilang nakakita. “Hayan ang sa iyo,” at binato ang bata.

Si Basiio ay tinamaan sa ulo, ngunit ipinagpatuloy pa rin niya ang pagtakbo. Binagal-bagalan na ni Sisa ang pagtakbo nang makarating siya sa labas ng bayan, ngunit malayo na ang agwat nila ni Basilio.

“Nanay!” ang tawag ni Basilio ngunit kumaripas nang takbo si Sisa nang marinig ang gayong salita.

“Nanay, ako si Basilio!’ ang ulit ng batang nagdaramdam.

Hindi nakaririnig si Sisa kaya’t patuloy namang humahabol si Basilio hanggang sa makarating sa gubat. Si Sisa ay pumasok sa pinto ng libingan nunong Kastila ni Ibarra na nasa tabi ng punong balete. Tinangka ni Basiliong sumunod, ngunit di niya nabuksan ang pinto sapagkat ubos lakas na itinutulak ng mga yayat na bisig ng baliw mula sa loob.

“Ako si Basilio, inay, ang inyong anak!” ngunit lalong nag-ibayo ang pagtulak ng baliw sa pinto.

Itinulak ni Basilio ang pinto at ibinangga ang yayat niyang katawan ngunit walang nangyari. Nakita niya ang isang baging na nakakapit sa puno ng balete kaya’t nangunyapit siya rito hanggang sa siya ay makaakyat sa puno. Nakita niyan si Sisang malakas na itinutulak ang dahon ng pinto.

Narinig ni Sisa ang uga ng mga sanga kaya’t binalak na tumakbo. Mabilis namang nagpatihulog si Basilio at tuloy yakap nang mahigpit sa ina, at pinupog ng halik ngunit sa panghihina, siya’y nawalan ng malay.

Pamulagat na minasdan ni Sisa ang mukha at duguang noo ni Basilio. At sa kanyang pagkakatitig ayn unti-unting nagliliwanag ang nadidimlan niyang isipan. Nakilala niya ang kanyang anak, at sa kagalakan ay malakas na napasigaw. Paduhapang na niyakap at pinaghahagkan ang anak at pagkatapos na yakapin nang mahigpit ay tuluyan nang lumaylay ang kanyang katawan sa tabi ng anak na wala pa ring malay.

Nang magbalik ang malay ni Basilio ay nakita niya ang inang walang malay-tao. Magiliw niya itong tinawag, niyugyog nang bahagya at nang mapansin niyang hindi na ito humihinga ay kumuha siya ng tubig sa batis upang wisikan ang mukha nito. Hindi gumalaw si Sisa.

Hintakot na idinikit ang tainga sa tapat ng puso ng ina ngunit ang yayat na dibdib ay malamig na at ang puso’y hindi pa pumipintig. Idinampi ang kanyang labi sa labi ng kanyang ina, ngunit wala siyang nadama kahit bahagyang init. Niyakap nang mahigpit ni Basilio ang bangkay at umiyak nang buong kapaitan.

Noo’y nochebuena, gabi ng pagsasaya ng mga batang kapi-kapiling ng kanilang mga magulang. Ipinagdiriwang nila ang kaligayahang biyaya ng Langit sa Sangkatauhan, ngunit kay Basilio, ang gabing iyon ay tagapagpagunit ng isang malungkot na pangungulila. Sino ang nakababatid? Marahil sa kumbento ni Pare Salvi ay masayang nangaglalaro ang mga bata at umaawit;

La Nochebuena se viene

La Nochebuena se va...

Umiyak at tumangis nang tumangis si Basilio, ngunit nang itaas ang kanyang paningin ay nakita niyang pinagmamasdan siya ng isang taong walang imik.

“Anak ka ba niya?” ang tanong ng tao.

Marahang tumango ang bata.

“Ano ang iyong gagawin?”

“Ililibing ko po siya?”

“Sa libingan ng simbahan?”

“Wala po akong salapi at ang kura ay hindi papayag.”

“Kung gayo’y...”

“Hindi na ako magtatagal.” ang mahinang sagot ng lalake na noon ay unti-unti nang bumabagsak.

“Malala na ang aking tama at dalawang araw na akong hindi kumakain at umiinon. Ikaw ba’y walang nakitang ibang tao rito ngayong gabi?”

Malugod niyang minasdan ang maamong mukha ni Basilio.

“Pakinggan mo,” patuloy ng lalaking pahina na ang tinig. “Ako’y hindi na aabutin nang umaga. Hakutin mo ang maraming kahoy sa kabila ng batis at dito’y ibunton mo at pagkatapos ay ilagay mo ang aming bangkay sa ibabaw. Sigan mo ang kahoy hanggang sa kami ay maging abo.

Matamang nakinig si Basilio sa di kilalang lalaki.

“Kapag walang ibang taong dumating ay humukay ka rito at makikita mo ang maraming salapi. Kunin mo at gamitin sa pag-aaral.” Ang tinig y unti-unting nawawala. “Kunin mo ang mga kahoy...hindi kita matutulungan.”

Tumayo si Basilio. Ang di kilalang tao ay humarap sa Silangan at pahimakas na nagwikang;

“Mamamamatay akong di man nakita ang maningning na pagbubukang-liwayway s aking Inang Bayan! Kayong makakikita, batiin ninyo saiya – at huwag kaliligtaan ang mga nalugmok sa dilim ng gabi.”

Matapos siyang tumingin sa langit, at marahang bumulong ng tila panalangin ay unti-unti siyang nabuwal sa lupa. -#-

No comments: